Take it from Hidilyn: ANO MAN ANG CHALLENGE MO SA BUHAY, KAYANG-KAYA ‘YAN KABAYAN!
CERTIFIED overseas Filipino ngang matatawag si Hidilyn Diaz dahil maraming beses na siyang umalis ng Pilipinas para mag-train ng weightlifting at lumaban ng competition sa iba’t ibang bansa.
Naka-byahe na siya sa Amerika, London, Brazil, Thailand, Japan, South Korea at Indonesia -- mga bansa kung saan maraming OFs ang nagta-trabaho at nakikipagsapalaran para sa mga pamilyang naiwan sa Pilipinas.
Bago siya sumabak sa 2020 Tokyo Summer Olympics, lagpas isang taon ang inilagi ni Hidilyn sa Malaysia para mag-training. Doon na rin sya inabutan ng lockdown dahil sa COVID-19 pandemic, isang pangyayaring sumubok sa kanyang katatagan.
“Tuwing naaalala ko yung challenges na pinagdaanan ko at ng aking team sa Malaysia, talagang naiiyak ako eh. Napakahirap magpalipat-lipat ng lugar doon para lang hindi matigil ang aking training. Ang taas ng anxiety kase iniisip namin saan kami titira, saan kami pupunta, at saan ako mag-te-training?” pagbabalik-tanaw ni Hidilyn.
May mga oras din na umiiyak na lamang siya at tinatanong ang sarili ng: “Ano ba itong hinaharap ko ngayon? Di ko na yata alam kung paano solusyunan.” Pero sa kabila nito, kinumbinse ni Hidilyn ang sarili na kayang-kaya niyang lagpasan ang mga pagsubok at magiging okay din ang lahat.
Paano nga ba siya naka-survive?
“Iba kapag may nakakausap ka. May kasangga ako hindi lang yung coaching team ko kundi pati na rin friends ko. Napakalaking tulong nila. At syempre, hindi mawawala ang inspirasyon na galing sa aking pamilya at ang prayers ko kay God,” diin ng Olympic gold medalist.
Aware si Hidilyn na ang kwento niya ay hindi naiiba sa kwento ng mga OFs. Mas matindi pa nga raw ang nararanasan ng mga kabayan abroad lalo na noong nagsimula ang pandemya. May ibang natigil sa trabaho pero hindi pa rin umuuwi sa Pilipinas dahil iniisip ang kalagayan ng pamilya at may iba namang nagdodoble-kayod para madagdagan ang income – bagay na hinahangaan ni Hidilyn sa kapwa Pinoy.
“We take it day-by-day and we continue with our dreams. Talagang akma yung linyang we find ways eh. Hindi ka dapat bumitaw kase may paraan para maitawid ang buhay,” paliwanag pa nya.
Kahit hindi pa tapos ang laban ng mundo sa pandemya, naniniwala pa rin si Hidilyn na darating din ang happy ending. “Ang challenge naman hindi binibigay kung hindi kayang lagpasan. Kaya advice ko sa ating mga kabayan, tuloy lang ang buhay. Kayang-kaya ‘yan kabayan!”